Acrophobia
Isang dapit-hapon nang makilala mo siya. Nasa library kayong dalawa. Nasa magkabilang dulo ng Filipiniana section. Parehong naghahanap ng librong gusto n’yong basahin para sa araw na ‘yon.
Panaka-naka mo siyang sinisilip sa gilid ng ‘yong mata. Pero hindi mo masyadong maaninag ang mukha niya dahil sa nakalugay niyang buhok na kasing-dilim ng gabi. Para tuloy siyang white lady sa mga horror movie na hindi marunong magpusod ng buhok. Mayamaya’y dinadala kayo ng inyong paghahanap sa gitna. Unti-unti’y nagkakalapit kayo. Hanggang sa sabay n’yong nadampot ang Walong Diwata ng Pagkahulog ni Edgar Samar. Nagkadikit ang inyong mga kamay. Naramdaman mo na parang me kuryenteng nagdiklap sa ‘yong katawan. Na naging dahilan ng paglukso ng puso mo.
“Ikaw na muna,” sabi n’ya sabay baling sa ‘yo. Nagulat at namangha ka sa ganda ng tanawing nasa harap mo. Natagalan ka bago nakapagsalita.
“H-hindi. Sige. Ikaw na muna,” sabi mo sabay dampot sa katabing libro ng Walong Diwata. Etsa-Pwera ni Jun Cruz Reyes. “Ito talaga ‘yung babasahin ko.”
“Okay, enjoy,” sabi niya bago tuluyang umalis.
At pagkatapos noon, sinabi mo sarili na lilikha ka ng tulay na mag-uugnay sa inyong dalawa. Sisiguraduhin mong hindi ‘yon marupok sa kabila ng banta ng pamiminsala. ‘Yong tipong hindi agad-agad lulugso kung me puso man do’ng lulukso o kung me masamang elemento mang gugulo.
Nang mabuo ang tulay, inihanda mo ang sarili sa muli n’yong pagtatagpo. Muli kayong magmumula sa magkabilang hangganan upang salubungin ang isa’t isa. Pero nakakalimang hakbang ka pa lang, binalot ka na agad ng takot no’ng bigla mong nasilip kung gaano kataas ang maaari mong kabagsakan. Kaya mabilis kang umalis. At hindi na muli pang nagpakabalik-balik. Naiwan siyang naghihintay sa gitna.
Hanggang sa mapagtanto mo sa ‘yong pagninilay: hindi lang pala ang tulay ang me kelangan ng tatag at tibay, kundi pati ikaw.