Ako Makalipas ang Sampung Taon

Ralph Vincent Mendoza
3 min readAug 22, 2022

--

Kuhang larawan ng aking pag-uulat sa isa sa mga klase ni Sir Mark Pornasdoro

Noong bata pa, noong puro laro pa lang ang nasa isip, hindi ko masyadong pinoproblema kung may nalilinang bang kakayahan sa aking pagkatao. Ang mahalaga noon, may nakakalaro, may kaibigan. Pero noong unti-unti nang umeedad, bigla akong nakaramdam ng isang malalim na kahungkagan. Natagpuan ko ang sariling naghahanap ng kung ano at ng alin nang makita ko ang mga dating kaibigan at kalaro na may sari-sarilli nang pinagkakaabalahang mundo. Ang isip ay hindi na nakatuon sa taguan pung, habul-habulan, patintero at iba pang larong kaugnay nito. Ang iba sa kanila, nasa malalaking kompetisyon na ng kani-kanilang larangan. Basketball halimbawa. O Journalism. Ako, napag-iwanan. Nilalaro pa rin ang mga action figure na kinolekta namin ng kapatid kong si Ryan sa Happy Meal ng Mcdo.

Upang makaramdam ng sense of belonging at upang muling makaugnay sa mga dating kaibigan at kalaro, sinubukan kong pumasok sa mundong ginagalawan nila. Noong una, masaya. Na-eenjoy ko. Pero kapag hindi pala laan para sa ‘yo ang isang bagay, aayawan mo. Magsasawa ka at susuko. Hindi ko makita ang sarili bilang basketbolista. Hindi ko rin makita ang sarili na may malaking papel sa eskwelahan lalo na’t ang namamayaning pamantayan ng husay at talino ay ‘yung kayang-kayang i-solve ang masalimuot na mathematical problem.

Hindi ako aktibo sa mga gawain sa classroom. Kapag may recitation, reporting, debate o iba pang gawaing katulad nito, pinipili kong ilayo ang sarili sa mga ganung gawain dahil may paniniwala ako na ang mga ito ay eksklusibo lang para sa mga matatalino, sa mga laging nasa listahan ng TOP 10. Na kapag sila na ang sumagot o nagsalita, magkukusa na mismo ang dila ko na umurong dahil pakiramdam ko, basura na ang naiisip kong ideya, lalo na kung ipararamdam pa ito ng ilang guro.

Hindi ko na rin pinagsiksikan ang sarili ko para maging bahagi sa malalaking event ng school. Ano ba naman kasi ang magiging papel ko sa mga ganun? Hindi ako sumasayaw o kumakanta

Pero nabago ang lahat pagtuntong ko ng Senior High School, nakilala ko si Sir Mark. Sa klase n’ya, napagtanto ko, na ang recitation, reporting, at iba pang school activity ay hindi lang ekslusibo para sa mga estudyante laging nasa Top 10, sa mga honor student, ito ay para sa lahat ng estudyanteng nag-iisip. Sa lahat ng estudyanteng may malaking pagnanasa na matuto.

Paunti-unti, sinubukan kong lampasan ang limitasyong itinatakda sa sarili sa tulong ni Sir Mark. Nakatuklas ako ng kakayahan na matagal na palang humihimlay sa butod ng pagkatao ko. Sinimulan kong magsalita. Sinimulan kong magtanong. Sinimulan kong sumulat. Nilinang ko ang mga kakayahan na sa tingin ko ay tutulong sa akin upang makita ang puwang ko dito sa mundo. Kaya sa paglipas ng sampung taon, nakikita ko ang sarili bilang guro. Nagtuturo nang maayos at marangal. Nagmumulat sa mga estudyante. Tumutulong sa paglinang ng mga kakayahan nila. Ganun ko gustong suklian ang mga gurong naging inspirasyon ko.

Bukod sa pagiging guro, gusto ko ring magsulat ng mga akdang pampanitikan. Ito ang tanging paraan ko para makakonekta sa mas malaking bilang ng mamamayan. Gusto kong mapasok ang puso, isip at kaluluwa ng aking mambasa. Gusto kong maunawaan nila ang mundong kanilang ginagalawan sa abot ng aking makakaya. Ito rin ang gawaing lubos na nakakagaan ng aking dibdib. Binabawasan ng pagsusulat ang mabibigat na bagahe sa aking buhay. Pakiramdam ko, hindi ako nag-iisa kahit may mga panahon na wala akong kasama. Lubhang malalim ang iniwang inspirasyon ng mga hinahanggang kong manunulat. Ginising ng mga akda ng mga binasa kong manunulat ang maliit na tao sa loob ko. Pakiramdam ko, isa pa rin akong munting bata na naglalaro ng action figure. Pinagagalaw at pinagsasalita ko kasi ang bawat tauhan sa aking kwento. Binibigyan ko sila ng buhay at kamatayan. Binibigyan ko sila ng mga problemang lulutasin.

Oo, amindao ako. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako sigurado sa mga kakayahang meron ako. Hindi ako sigurado kung magagamapanan ko nang maayos ang papel ko sa mundo. Madalas akong dinadalaw ng pagdududa at pag-aalinlangan kung kaya ko nga ba talagang magsulat at humarap sa maraming tao para magsalita. Pero sa kabila ng lahat ng iyon, ng pag-aalinlangan at pagdududa, lagi pa ring nanaig ang kagustuhang matuto para mapahilom ang malalang sugat ng abang bayan. Gaano man ako kaliit.

--

--

Ralph Vincent Mendoza
Ralph Vincent Mendoza

No responses yet