Ang Dalâ na Dalá ng Ang Huling Dalagang Bukid at Ang Authobiography na Mali: Isang Imbestigasyon ni Jun Cruz Reyes

Ralph Vincent Mendoza
2 min readNov 18, 2022

--

“Mas lalong naliligaw ang tala, kapag ang kasaysayan ay pinakialaman ng mga politiko. Mas malamang, ang mababasa roon ay kasaysayan ng kanilang angkan at ang nagawa nito para sa bayan di umano, na ang dulo’y iboto n’yo po ako.”

— Jun Cruz Reyes

***

Ikatlong libro ni Amang na binasa ko. Nobela na mukhang autobiography. O pwede ring sabihing autobiography na mukhang nobela. Ewan. Bahala ka kung anong gusto mong itawag. Dahil sa post-modernong panahon kung kailan nabubura na ang maninipis na hanggahan ng mga genre, may halaga pa ba talaga ang mga taguri o label sa akda?

Ang kwento ay tungkol sa struggle ni Amang kung paano makakauwi sa Bulacan para buuin ang binabalak na nobela samantalang hina-hunting siya ng mga militar dahil sa mga isinusulat niya. Ewan ko ba sa gobyerno. Hobby na yata talaga nilang atakehin ang mga manunulat at mamamahayag. Gaya noong mga nakaraang buwan, hindi ma-access ang website ng Bulatlat, isang alternative online media outfit. Ang Rappler, ilang beses nalagay sa bingit ng tigil-operasyon.

Sabagay, sabi nga ni Amang sa libro: “Mas takot sila sa nagsasabi ng totoo, kaysa kriminal at mamamatay-tao”.

Kasabay ng paglalahad ng kanyang personal na buhay, nahahagip ng naratibo ang kalagayan ng mga taong nakapaligid sa kanya. Mga magsasakang wala nang ganang magsaka. Mga dalagang nangingibang-bansa para humanap ng mas magandang kapalaran. Medyo malaking hamong basahin kung gaya kitang nasanay o sinanay sa tradisyonal na anyo ng isang kwento. Kung hindi bukas sa iba’t ibang posibilidad ng isang akda, hindi mo talaga ma-appreciate. Hindi rin page turner ang libro. Walang dahilan para ma-anticipate. Nauumay ako sa mga di ko kilalang pangalang binabanggit ni Amang. Lalo pa’t para silang mga kabuteng lulubog-lilitaw sa bawat kabanata. Sa unang dalawang aklat niyang binasa ko, dito ako pinakanatagalan. ‘Yung Etsa-Pwera maski napakakapal, nasakyan ko naman. Kasi’y hindi lang puro inner monologue ang narrative device na ginamit ni Amang. Napansin ko ring may mga tagpo na galing sa Etsa-Pwera gaya no’ng upakan siya ng bantay ng palaisdaan nang pagsuspetsahan nitong siya ang nagnanakaw ng mga talangka sa lugar.

Pero kung mayroon man akong pinakanagustuhan sa libro — na siguro’y trademark na talaga ni Amang bilang manunulat — iyon ay kung paano niya nagawang isatinig ang mga himutok ng gaya kong kabataan mula sa tahanan hanggang paaralan. At mula paaralang hanggang lipunan.

--

--

Ralph Vincent Mendoza
Ralph Vincent Mendoza

No responses yet