Ang Huling Buwan
Sa tuwing bibisita ang huling buwan,
inihahanda ng tahanan ang sarili.
Palagi niyang ikinalulugod ang pag-uumapaw
ng mga katawan sa kanyang loob.
Handa na siyang kwintasan ng mga makukulay na palamuti,
handa na niyang patuluyin
ang puno ng pino na lalagyan
ng mga patay-sinding ilaw.
Handa na niyang maramdaman
ang kanilang pag-ibig,
at ang init ng mga yakap na
nagpapahiwatig ng pagtanggap.
Handa na niyang marinig ang pagkalansing
ng mga barya na isasaboy sa alimusahan.
Iipunin ng kamay ang barya,
iipunin ng sahig ang bawat alaala.
Siguradong walang matitira sa sahig,
maliban sa bakas ng mga kamay
na minsang naging uhaw sa gantimpala
at handa na rin siyang makinig sa kwento na inipon nila buong taon.
Handa na siyang sumaksi sa tunog ng halakhak,
sa talentong ipapamalas ng mga paslit,
sa paglaya ng mga bilanggong nakakahon,
at nakabalot sa papel de hapon.
sa kumpletong pagsasalo, sa isang araw na walang pagtatalo
Handa nang makulong
ang tahanan sa hawla ng larawan
kapiling ng mga katawan.
Handa na siya.
Subalit hindi siya handa, na sa pagkakataong ito, bibisita ang huling buwan
at wala itong madadatnan, wala nang pagdaraos.
Marami nang salarin sa pagnanakaw ng ginto.
Kinuyog siya ng sigwa matapos biruin ng tadhana.
Hindi nakapagtimpi ang haligi.
Lumisan ito’t nanindigan sa iba.
Napundi ang ilaw.
Kaya sa tuwing iluluwal ng langit ang takipsilim,
ang mga naiwan ay magsisimula nang mangapa ng pag-asa.