Ang Mga Kabaliwan Sa Mga Lagas Na Dahon Ng Marso

Ralph Vincent Mendoza
2 min readJan 18, 2021

--

Kuha ni Kuya Sherald ang larawan noong November 13, 2019

Isa sa mga nagustuhan ko sa librong Plakard ni Efren Abueg ay ang Mga Lagas Na Dahon Ng Marso. Ang kwento ay tungkol sa babaeng si Dorita, pinagkakaitan ng ligaya at romansa ng kanyang asawang si Mon, isang propesor at lubos na kinababaliwan ang aktibismo. Mas tinutugunan pa ang tawag ng bayan kesa sa kalabit ng kanyang asawa. Kung kaya, napilitan si Dorita na hanapin ang ligayang hindi maibigay ni Mon sa kapit-bahay nilang si Maneng — na may-asawa rin!

Ayon sa kwento ni Dorita kay Maneng: ayaw pa ni Mon na magka-anak sila dahil ‘di pa niya magawang imulat ang masa. Dadagdag pa raw ang mga ito sa mga imumulat niya. Mas gusto pa ni Mon na pumunta at lumubog sa iba’t-ibang lugar upang mag-teach in sa mga marhinalisadong sektor ng lipunan kesa makipag-date sa kanya.

Kung hindi ka malay sa mga danas at mga ipinaglalaban ng mga katulad ni Mon, iisipin mong baliw siya. Pero, sa kabilang banda, dapat ding maisip mo ito: sino ba sa atin ang walang kinababaliwan? Hindi ba’t pare-pareho tayong may kinababaliwan?

May baliw na baliw sa sports, may baliw na baliw sa panonood ng pelikula, may baliw na baliw sa bisikleta, may baliw na baliw sa make up, may baliw na baliw sa alahas, may baliw na baliw sa pagbabasa o pagsusulat, o minsan, sa research (ehem pasintabi kay Cynthia Villar). At, higit sa lahat, may baliw na baliw sa akin.

Ang tanong na lang, iaangat ba ng kabaliwan mong iyon ang nakararami? Dahil ano nga ba ang sabi ni Rizal sa nobela niyang El Filibusterismo?

“Walang saysay ang buhay na hindi iniuukol sa dakilang layunin. Para itong munting batong itinatapon sa ilang at hindi nakasama sa pagbuo ng isang bahay.”

--

--

Ralph Vincent Mendoza
Ralph Vincent Mendoza

No responses yet