Dalampasigan
Noong una, sapat na sa ‘yong maiparamdam sa kanya na mahalaga siya. Na may espesyal na espasyo siya sa puso mo kaya gagawin mo lahat. As in lahat. Halimbawa, kahit nasa gitna ka na ng mahimbing na pagtulog, pilit ka pa ring gigising kapag sunod-sunod siyang tumawag sa Messenger para magyaya ng night ride. O kaya’y kapag kailangan niya ng tutor para sa ilang lesson n’yo sa Mathematics in the Modern World.
Pero eventually, mare-realize mo na nakakapagpabigat pala ng dibdib ang pag-ibig na hindi naisasatinig. Kaya maglalakas-loob kang umamin.
“Anong meron today? Ba’t may pa-boquet at pa-chocolate ang ferson?” tanong niya habang pumapasok ka sa gate ng bahay nila.
“Manliligaw ako.”
“Kanino?”
“Sa ‘yo.”
At kinabukasan, sosorpresahin ka ng unti-unti niyang pag-iwas. Na magiging ganap na paglayo sa susunod pang mga araw.
Syempre, tatanungin mo ang sarili: isa na bang mabigat na krimen ang pag-amin ng nararamdaman para iwasan; layuan?
Hanggang sa makaramdam ka ng pagsisisi. Nagawa mo ngang pagaanin ang dibdib mo dahil napakawalan ang damdaming kinikimkim, pero hindi mo naman napaghandaan ang iba’t ibang kirot na idudulot ng paglayo niya sa ‘yo.
Susubukan mong ibalik ang dati. Kukumpunihin ang nakatakdang hangganan ng inyong ugnayan na nasira dahil sa pag-amin. Pero walang mangyayari. Darating ang araw na mapapagod ka. Manghihina. Mauubusan ng lakas. Mawawalan ng pag-asa.
Kaya isang hapon, tatambay ka sa dalampasigan hanggang sa dumilim. Maglalakad-lakad habang lumalaklak ng beer at paulit-ulit na pinapatugtog ang Kung Di Rin Lang Ikaw ng December Avenue featuring Moira. Hihiramin mo ang bangka ng tito mo. Sasakay ka. Sasagwan. Kahit hindi alam ang pupuntahan. Diretso lang. Basta ang gusto mo, makalayo. Makalimot.
Pagdating sa laot, itatapon mo doon ang inalagaan at pinalago mong pag-ibig para sa kanya. Palulubugin. Pero pagkatapos lamunin ng dagat ang lahat, iluluwa nito muli ang nararamdaman mong ‘yon. Tila salbabidang lulutang na dadalhin ng alon sa kabilang pampang kung saan siya naroon — ang minamahal mo na naghihintay sa pagdaong ng pagmamahal na mula sa ibang tao.