Higgil kay John Kramer
“You can’t save people they have to save themselves.”
‘Yan ang sabi ng karakter na si John Kramer sa pelikulang Saw sa asawa niya nang tulungan niya ang isang gagong lalaki sa ospital. Ang pagtulong na ito ang naging sanhi kung bakit dinugo ang asawa niya kaya namatay ang bata na dinadala sa sinapupunan ng asawa ni John.
Hindi natin masisisi si John kung bakit naging ganun ang persepsyon niya sa mundo. Hindi biro na hindi man lang masilayan ang magiging anak. Masakit ‘yon. Masakit na masakit. Pero kung ikaw, na sagana sa pribilehiyo, sa mga materyal na bagay. O kahit sa mga hindi materyal na bagay pero napapakinabangan mo, parang hindi ‘ata angkop na ito ang sundin mong paniniwala sa buhay. Lalo na kung may mga nilalang na nagparte-parte para mabuo ang pagkatao mo. O may mga kamay na nagtulong-tulong para hanguin ka sa lusak na kinasasadlakan mo noon.
Bago ka magsabi ng you can’t save people they have to save themselves, pakiusap, alalahanin mo muna ang mga nilalang na ‘yon at ang kanilang mga mapagkalingang kamay. Alalahanin mo ang nakaraan mo. Alalahanin mo na marami pa ring hindi nakakaahon sa lusak, at marami pa ring hindi buo, na hanggang ngayon ay wasak na wasak. Alalahanin mo na kaya ka sinagip ay para sumagip din ng buhay. O kahit hindi ng buhay, kahit ng aandap-andap na pangarap o pag-asa. O kung anumang nalalabing bagay na nananahan sa katauhan nila na magtutulak para patuloy na gawing kapaki-pakinabang ang bawat paghinga.