Isang pagninilay hinggil sa passion

Ralph Vincent Mendoza
2 min readSep 7, 2022

--

Isang pagtatanghal na ginanap sa ACES Cultural Building noong ika-30 ng Nobyembre 2018 bilang bahagi ng pag-alala kay Gat Andres Bonifacio. Ang larawan ay mula sa PRIO Atimonan.

Bigyang-dangal ang sarili, di ka nila kayang basagin.

Magmula ngayon, ika’y magniningning para magsilbing anting-anting.

— Anting-anting, Spongecola featuring Gloc 9 & Denise Barbacena

***

No’ng junior high school, napabilang ako sa circle of friend na itinuturing na object of entertainment ang ginagawa ng isang tao na hindi pasok sa normal o tipikal na pamantayan.

Naging mapanlait ako sa passion ng iba. Palibhasa’y wala kaming passion — maliban siguro sa pagpapalobo ng laway at pangungulangot sa oras ng klase — sa mga gawain na pwede sanang makapag-ambag sa lipunang kinabibilangan namin, kaya ignorante ako sa pinag-uugatang dahilan kung bakit ginagawa ng isang tao ang isang bagay gaano pa man ito ka-weird sa mata ng mga tumutunghay.

Madalas pa nga’y inaakusahan namin sila na parang mga baliw sa ginagawa nila. Dahil gano’n naman ‘ata talaga kapag hindi natin naaabot ang kapasidad ng isip ng tao, aakusahan natin silang baliw sapagkat mas madaling ikabit ang ganoong katangian kaysa unawain sila.

Hanggang sa natagpuan ko na kung ano ang bagay na pag-aalayan ko ng aking passion. Hanggang sa maunawaan ko na rin sila. Na minsan pala, ang passion na ito ang tanging sumasagip sa atin sa mga oras na natutukso tayong wakasan ang hiram na buhay. Gano’n pala ‘yon kahalaga.

Dahil d’yan, nasusugan ko ang dahilan kung bakit hindi ko magawa ang gusto ko sa ilang mga nakalipas na taon. Natakot ako na baka gawin din sa akin ng iba ang negatibong pagtingin o pagtratong ginagawa ko rin sa ginagawa ng iba.

Kaya mahalagang makilala ang sarili. Mahalagang malaman kung para saan at para kanino ang ginagawa bago iyon gawin. Nang sa gayon, bago ka pa man batuhin ng mga mapanirang komento, meron ka nang matibay na pundasyon. Hindi ka na basta-basta matitinag at matitibag.

Gawin mo lang kung ano ang passion mo. Malay mo, sa mga susunod na araw, ‘yang passion mo ang mag-angat sa nakakaraming nilumpo ng sistema.

--

--

Ralph Vincent Mendoza
Ralph Vincent Mendoza

No responses yet