Kung paano maging magulang
Sep 9, 2022
Si Mama, Vilma ang ngalan
Tumubo do’n sa probinsya
Nagkasanga do’n sa Lucena
Namukadkad sa tahanan
Lumawak na kanyang isip
na makitid. Pinipilit
Makaahon sa kumunoy,
Nagsikap siyang tumuloy.
Si Papa, Richard ang ngalan
Tumubo doon sa lungsod
Tumapang; agad sumalang
Sa makinaryang baluktot
Pinatahimik bagabag
Sa dibdib niyang malapad
Lubak na daa’y pinatag
Upang kami’y, makalakad
Sarili’y kalilimutan
Kapag nagiging magulang
Kulang ay nagiging sapat
Ang sapat, nagiging kulang