Pulang-Bato
Disclaimer: This is a work of fiction. Any resemblance to the actual event is entirely coincidental.
Nakaupo si Michael kasama ang estudyante niyang si Bevs sa kulay dugong bato na nalililiman ng puno sa pampang ng talon na kung tawagin ay Pulang-Bato.
Kung bakit ganoon ang tawag? Simple lang. Lahat kasi ng bato sa nasabing talon, nababahiran ng pula maski ‘yong mga nasa ilalim ng tubig. Kaya kung titingnan, parang nagkaroon ng matinding sagupaan sa lugar na naging dahilan para magkulay dugo ang tubig.
Pero dati pa ‘yon. Iba na ngayon. Mangilan-ngilan na lang kasi ang mga batong nakukulayan ng pula. Kung hindi man pumusyaw, nagkukulay lumot na.
Biro nga ni Michael kanina sa kaniyang mga estudyante, baguhin na dapat ang pangalan ng talon.
“Outdated na masyado. ‘Di na bagay sa hitsura ng lugar. Gawin na lang Berdeng Bato.”
“O kaya naman po,” sabi ni Bevs, “Luntiang Bato.”
Lima ang talon sa Pulang-Bato. Bawat isang talon ay may bilang na nakadepende sa babaw o lalim ng mga ito. Number 1 kung tawagin ang pinakamababaw at pinakamalapit na talon. Wala halos naglalangoy na tao rito dahil pinagliliguan ng kabayo.
Pinakamalalim naman ang number 5 na sa kabilang banda ay pinakamalayo rin. Halos nasa pinakatuktok na ng bundok. Wala ring naglalangoy sa bahaging ito dahil masyado raw delikado. Bukod sa hindi masukat ang lalim, may mga ahas din daw na nakikisisid. Saka kuwento ni Bevs, may nagpakamatay daw doon.
“Anong nangyari?”
“Nagbigti, Sir.”
Kaya ang madalas na nililiguang talon ng mga tao ay ang number 3 o 4. Nasa number 3 sila ngayon. Sakto lang para sa mga marunong at hindi marunong lumangoy. May bahaging mababaw at malalim na pare-pareho nilang ma-e-enjoy.
***
Abril na ngayon. Panahon na dapat ng bakasyon. Pero dahil sa pandemya, nagkaroon ng pagbabago sa academic calendar ng DepEd. Maraming guro ang nanawagang ibalik sa blended ang mode of learning ng mga bata. Pasok sa umaga, modular sa tanghali. Hindi na kasi biro ang mga naitatalang kaso ng mga estudyante na bigla-biglang nahihimatay sa loob ng classroom dahil sa sobrang taas ng heat index.
Kaya hindi kataka-kataka para kay Michael na pagkatapos na pagkatapos nilang mananghalian, nagsipaglanguyan na ulit ang mga estudyante niya. Pero sila ni Bevs, sa musika nagbabad at nagpapakalunod imbes na sa tubig. Pinapraktis nilang dalawa ang kantang “Upuan” ni Gloc 9. Si Bevs ang umaareglo sa chorus at si Michael naman ang nagra-rap. Wala naman silang kontes na sasalihan. Ayaw lang muna talaga nilang lumangoy nang busog.
“Ba’t ka nga pala nag-teacher, Sir?” tanong ni Bevs matapos mapagod ng mga bibig nila kakakanta. Marahan niyang kinukuyakoy ang kaniyang dalawang paa sa tubig.
“Actually, ‘di ko talaga alam noong una, e, ” sagot ni Michael na sinabayan na rin ang pagkuyakoy ni Bevs.
“E, ngayon po?”
“Oo, siguro.”
“Paano mo nalaman?”
“Nitong magsimula ‘yong internship.”
Patlang.
“Kasi parang na-realize ko na ito pala ‘yong way to keep my high school life alive. ‘Pag kasama ko ang mga estudyante, kayo, feeling ko, nagiging high school ulit ako. Nakakabalik ako sa nakaraan. Sa pagiging bata. Parang kasama ko ulit ‘yong mga kaibigan ko.
“Nasa’n na ba sila, Sir?”
“‘Yong mga kaibigan ko?”
“Opo. ‘Di mo ba sila kaklase ngayon? O schoolmate?”
Lumitaw ang lungkot sa mukha ni Michael. May kung anong mabigat na dumagan sa dibdib niya. Sunod-sunod kasing pumarada sa isip niya ang mga pinagsaluhang alaala nila ng kaniyang mga kaibigan noong high school: pamamayuko, pangingilaw, panliligaw, pag-iinom tuwing Biyernes ng hapon, pagra-rap battle kapag vacant time, pakikipagsuntukan, paliligo sa ilog kapag Sabado o Linggo, pagpupuslit ng yosi sa loob ng school, pagka-cutting, pagsali sa mga intermission number kapag may event, at marami pa. Marami pa.
“Hindi, e. Nasa malalayo na sila. Ako na lang naiwan dito.”
“Okay lang ‘yan, Sir,” alo ni Bevs, “andito naman kami. Sasamahan ka namin.”
Tumingin siya kay Bevs. Malapad ang ngiti sa kaniya ng estudyante. Parang siguradong-sigurado sa sinasabi. Gumaan tuloy ang pakiramdam niya . Kahit alam naman niya na ano man ang kaniyang gawin para takasan ang sumpa ng nalalapit na pagtanda — makisama sa mas bata sa kaniya, alamin ang mga bagay na kinawiwilihan ng mga ito para makasabay sa kuwentuhan, tawanan, at kulitan — sa huli ay matatagpuan niya pa rin ang sariling nag-iisa. Mapagtatantong may ibang mundo ang mga batang ito at kailanman ay hindi siya magiging bahagi niyon.
***
Masarap kausap si Bevs. ‘Yon ang napansin ni Michael maski noong una pa lang. ‘Di siya gaya ng ibang estudyante na ‘pag kinausap, ngingiti lang at magbibitaw ng tugon na mahirap nang dugtungan pa. Hindi siya matipid magsalita. Hindi siya madamot magkuwento. Minsan, magugulat na lang bigla si Michael, inaakay na pala siya ni Bevs sa pinakasulok ng pagkatao nito.
‘Di rin siya gaya ng ibang estudyante na walang hinto kung magsalita. Dire-diretso kahit wala nang saysay pa ang sinasabi. Natatangi si Bevs sa lahat ng kaniyang estudyante. Marunong magmaneho ng kumbersasyon. Alam kung kailan ang tamang tiyempo ng pagpreno, pagmenor, at pag-overtake. Sa ilang beses na pagkukuwentuhan, unti-unting nakilala ni Michael si Bevs.
Music prodigy si Bevs. Grade 11. Apat na taon pa lang, narinigan na agad ng ginintuang boses. Sa edad na anim, nakakatugtog na ng ukulele at piano. Malaking tulong ang pagiging miyembro niya sa ministry ng isang Born Again church sa murang edad. Doon lalong nahasa ang talent niya dahil pinapakanta at pinapatugtog sila lagi kapag Sunday school.
Pero malaki ang galit ni Bevs sa kanyang ina. Iniwan kasi siya ng wala man lang pasabi sa piling ng lola niya. Ni iniwang sulat, wala. 12 years old siya noon. Kamamatay lang ng tatay niya. Delubyo sa kaniya ang lahat.
Minsan, kuwento ni Bevs, fiesta noon sa bayan. Nakatuwaan niyang kumanta sa videoke booth sa perya kasama ang mga kaibigan. Habang kumakanta, may lumapit sa kanyang patpating ginang.
“Ikaw na ba ‘yong anak ni Classmate?”
“Sino pong classmate?”
Sinabi ng patpating ginang ang pangalan ng ina ni Bevs.
Tumango lang siya nang tipid. “Bakit po?”
“Sabi na, e. Carbon copy na carbon copy ka ng nanay mo. Pati boses niya kuhang-kuha mo.”
Hindi maintindihan ni Bevs kung bakit nagpanting ang tenga niya noon sa narinig. Siguro dahil kinamumuhian niya ang kanyang ina? At habang natutuklasan niya ang ilang katangiang mayroon siya at ang kanyang ina ay lalo ring lumalaki ang galit niya sa sarili dahil baka dumating ang panahon na tuluyan siyang maging kagaya nito — iresponsable at pabaya.
Simula noon, tumigil siya sa pagkanta. Nag-try siya ng ibang skill na pwedeng linangin para bumuo ng sariling imahe na malayo sa anino ng kanyang ina. Pero wala siyang maramdaman maski katiting na saya sa mga bagong ginagawa. At mukhang mahirap na ring takasan ang pagkanta dahil doon na siya nakilala. Kaya hinamon na lang niya ang sarili na higitan ang kung anomang naabot ng ina. Sa buhay man o pagkanta.
***
Si Bevs ang nagyayang mag-outing kay Michael sa Pulang Bato kasama ang mga kaklase niya. Reward daw sa kani-kanilang mga sarili para sa matagumpay na final demo teaching ni Michael. Tanghali noon. Lunch break. Nasa covered court sila. Sa gitna ng kanilang pagkukuwentuhan, biglang nagyaya si Bevs.
“Sir, sama ka sa ‘min.”
“Saan?”
“Sa Pulang Bato.”
“Anong mayro’n do’n?”
“Talon, Sir. Outing tayo.”
Siguro dala ng matinding init ng panahon noong mga oras na ‘yon, walang kagatol-gatol na pumatol si Michael sa imbitasyon ng kaniyang estudyante. Dalawang araw bago pumatak ang Holy Week, gumawa sila ng group chat sa Messenger. Doon nila nilatag ang kanilang mga napag-usapang plano. Inabisuhan ni Michael ang mga estudyante niyang sasama na magpaalam nang maayos sa kanilang mga magulang o sinomang guardian. Sa labintatlong nagpaalam, sampu ang pinayagan. Hanggang sa magkasundo ang lahat na kina Bevs lulutuin ang mga pagkaing dadalhin sa outing.
Mainit naman silang tinanggap ng lola ni Bevs sa bahay nito. Sa katunayan, tumulong pa ang matanda sa pag-aasikaso ng mga pagkain. Mukhang sa lolo lang ni Bevs hindi okay ang pinlano nilang outing. Malamig kasi ang pakikitungo nito sa mga bisita. Sinubukan ngang batiin ni Michael ang matandang lalaki noong dumating siya pero nabigo siyang makatanggap ng bati pabalik.
“Sorry, Sir,” sabi ni Bevs nang mapansin nito na hindi tinugon ng matanda ang bati niya, “ganyan talaga si Tatay minsan. Sinusumpong.”
Ngumiti na lang si Michael at tinapik ang balikat ni Bevs.
Kanin, binateng itlog, at ginataang langka na may sardinas ang niluto nila para sa tanghalian. Miki bihon naman para sa meryenda sa hapon. May dala rin silang tubig sa container, icebox na may yelo, at pitsel para sa titimplahing juice.
“Siguraduhin mong walang mangyayaring masama diyan sa apo ko, ha,” mariing sabi ng lolo ni Bevs kay Michael noong naghahanda na silang umalis, “malilintikan ka sa ‘kin.”
Napalunok siya bago sumagot. “O-opo, ‘Lo, mag-iingat po kami.”
***
“Tara, Sir,” yaya ni Bevs, “kain na tayo.”
“Tara,” sabi ni Michael sabay tayo, “gutom na nga rin ako.”
Niyaya na rin ni Michael ang iba pa niyang estudyante na kanina pa panay ang langoy. Sinusulit ang biyaya ng tubig. Pinaahon niya muna para sabay-sabay silang makapagmeryenda.
“Kukuha lang ako ng dahon ng saging,” paalam ni Michael sa mga bata pagkakuha ng kutsilyo sa eco bag.
“Samahan na kita, Sir,” pagpipiprisinta ni Bevs.
“‘Di na,” sabi niya, “natandaan ko naman kung saan tayo kumuha kanina. Tulungan mo na lang silang maghanda ng pagkain. Timplahin mo na pati ‘yong juice.”
Malayo-layo rin ang lalakarin bago makakita ng puno ng saging. Madudulas pa ang ilang malalaking batong nadadaanan niya dahil sa lumot. Kaya nagdoble-ingat siya. Dahan-dahan ang bawat hakbang.
Habang naglalakad, napatingala si Michael sa langit. Napansin niya ang madidilim na ulap. Parang umuulan sa bundok. Napausal siya ng dasal na sana ay hindi sila abutan. Marami silang dalang mga gamit. Mahihirapan sila kapag nagkataon.
Nang makakita ng puno ng saging, agad na namili si Michael ng magandang klase ng dahon. Iyong walang butas at malalapad. Mabilis naman siyang nakahanap. Dalawang dahon ang kukunin niya para sigurado.
Pero nang tatagpasin na ni Michael ang ikalawang dahon sa puno, bigla siyang napatigil. Natanaw niya kasi ang malaking agos ng tubig na paparating. Tila gutom na halimaw na susunggab para manlamon ng biktima.
Bigla niyang naisip ang mga bata. Kumaripas siya pabalik at binitawan ang hawak na kutislyo at mga dahon. Sumigaw siya sa pag-asang maririnig ng kaniyang mga estudyante ang babala niya.
“May baha, mga bata! May baha! Takbo!”
Nilingon ni Michael ang baha sa likod niya. Ilang metro na lang ay lalamunin na siya nito. Mabilis niyang sinuyod ng tingin ang paligid para maghanap ng mataas na lugar na pwede niyang maging pansamantalang kanlungan.
Pinuntahan niya ang isang puno na sa tingin niya ay sapat ang taas para hindi siya matangay. Umakyat siya. Pagkatingin niya sa baba, tuluyan nang nilamon ng baha ang bahagi ng lugar na hindi naman talaga naliligid ng tubig. Sinubukan niyang tanawin ang kaniyang mga estudyante pero wala siyang makita. Natatabingan din kasi ng mga mas matataas pang puno ang kinaroroonan niya.
Ang ginawa na lang ni Michael, nagsisigaw siya nang nagsisigaw. Nagbigay ng babala kahit alam naman niyang imposible siyang marinig ng kaniyang mga estudyante dahil anomang pagkakaila ang gawin niya, hindi na maitatanggi ang malaking posibilidad na kasalukuyan nang inaanod ng baha ang katawan nina Bevs dahil sa sobrang lakas ng agos at lawak na sinasakop ng tubig sa paligid.
Napaiyak na lang si Michael sa kawalan ng magagawa. Nagmura siya nang nagmura. Sinuntok ang kaniyang mukha at sinabunutan ang kaniyang buhok dahil sa magkahalong sisi, inis, at galit na naramdaman sa sarili.
Sunod-sunod na pumarada sa isip niya ang mga posibleng mangyari kapag nakaligtas siya sa trahedyang ito. Katakot-takot na sisi at kahihiyan ang aabutin niya sa mga tao. Siguradong madadamay pati ang nananahimik niyang pamilya.
At ang lolo ni Bevs. Naisip ni Michael ang lolo ni Bevs. Ang dagdag na diin sa bawat bigkas ng salitang sasabihin nito kapag nakita siya. Pati ang mas matalim nitong tingin. Nagsimulang umalingawngaw sa tenga niya ang babala ng matanda sa kaniya bago sila umalis kanina: malilintikan ka sa akin!
Para matakasan na ang lahat ng ito, nagdesisyon si Michael. Pumikit siya. Humingang-malalim. Saka tumalon sa rumaragasang tubig na kulay tsokalate.
***
Plano sa Pulang Bato
14 members
Guys, wla na si sir ☹
totoo na tlaaga????
oo
nakita na katawan nya sa dagat kaninang umaga sabi sa balita
oo nga, kita ko rin.
TINGIN!
https://youtube/hGnRottFX2k?news=shared
hala oo nga
😭😭😭
hu hu hu hu sir ☹ ☹ ☹
di ko kaya panoorin…
ang sakeet
di pa rin ako makapaniwala
kala ko talaga ligtas siya
narinig ko pa boses niya kahapon bago tsyo makasampa sa malaking bato.
Seen by everyone except Michael
***
Ang akdang ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Awards 2023 sa kategoryang Maikling Kuwento.