Seniors’ Night

Ralph Vincent Mendoza
9 min readOct 24, 2022

--

Larawan mula sa lasallefalconer.com

“Me pasâ ka na naman,” puna ni Sir Pat sa kaliwang braso ng kanyang co-teacher na si Ma’am Belen. Nasa tindahan sila ni Ate Grace na nakapwesto sa likod ng school. Walang ibang taong nakatambay doon maliban sa kanila. Pareho silang nagyoyosi at umiinom ng softdrinks. Katatapos lang nilang mananghalian sa canteen.

“Wala ‘to,” sabay takip ng palad sa brasong may pasâ.

“Sabi ko naman kasi sa ‘yo. Sumama ka na sa ‘kin. Lalayo tayo.”

“Me mga anak ako.”

“Isasama nga natin.”

“Di ‘yun ganun kadali, Pat.”

“Bakit? Ano bang madali para sa ‘yo? Ang magtiis sa poder ng asawa mo?”

Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Ma’am Belen na sinundan ng mahabang katahimikan.

“Ano pala ‘yong sabi mong ibibigay mo sa akin kahapon?” tanong ni Ma’am Belen.

“Wala. Saka na lang.”

“Pasensya na. Di muna kita mababayaran ngayon.”

“Pag-isipan mong mabuti ang alok ko, Bel,” sagot ni Sir Pat. Hinawakan niya ang kamay ng babaeng guro. Saka tumingin sa mata nito at malungkot na ngumiti.

May biglang dumating na mga estudyante para bumili sa tindahan. Napatingin sa kinaroroonan nila. Kaya mabilis na tinanggal ni Ma’am Belen ang nakahawak na kamay ni Sir Pat sa kamay niya.

“Una na muna ako. Me gagawin pa ‘ko.”

Tumango si Sir Pat. Inihatid niya ng tingin ang papalayong katawan ni Ma’am Belen. Sa halos perpektong korte ng katawan nito at sa mukhang tila hindi man lang tinutubuan ng tigyawat, aakalain mo talaga na wala pang dalawang anak ang babaeng guro. Hindi tuloy niya mapigilang alalahanin ang unang araw ng kanilang pagkikita.

Unang araw ng pagpapabalik-balik niya noon sa Mahalimuyak para mag-asikaso ng mga papel na kakailanganin sa pag-a-apply ng bagong trabaho. Si Ma’am Belen — na isang MAPEH teacher at noon ay nagtuturo ng Wellness sa mga bata sa párang — ang unang pumukaw ng atensyon niya pagkapasok niya sa main gate ng school. Habang sinusuyod niya ng tingin ang babaeng guro, aksidente rin itong tumingin sa kanya. At noon niya napatunayan na nangyayari rin pala sa totoong buhay ang nangyayari sa mga romcom na pelikula ‘pag nagkakatagpo ang dalawang bidang lalaki at babae. Bumagal ang bawat sandali. Gasgas na mang sabihin, parang saglit na huminto sa pag-ikot ang mundo.

“Pao,” tawag ni Sir Pat sa isa niyang estudyante nang mapadaan ito sa tindahan. Saka lang naputol ang kanyang pagbabalik-tanaw. Hinithit muna niya ang nangangalahating stick ng Marlboro blue saka muling nagsalita.

“Pasabi sa klase na postponed na muna ang long quiz ngayon. Papunta akong Lucena. Bibili akong maskara n’yo.”

“Sige, sir.”

Lumapit si Pat kay Pao pagkapitik sa filter ng sigarilyo. Tinapik niya ang estudyante sa balikat. Pagkatapos, sumakay na siya sa kanyang motor sabay suot ng helmet.

“Nasa faculty room pala ‘yung ballpen mo. Kunin mo na lang sa table ko.”

“Sige, sir. Ingat.”

***

Apat na araw na lang, seniors’ night na. At si Sir Pat — na SSGO adviser — ang isa sa punong abala sa event. Limang taon nang walang night activities sa Mahalimuyak National High School. Simula noong may gahasaing estudyante sa OLLA o Our Lady of Lourdes Academy, nagpasya ang mga principal ng mga paaralan sa Atimonan na ipahinto ang mga night activity.

Janice Manalo ang pangalan ng biktima. Magandang babae. Laging suki sa mga pageant. Pinagplanuhang gahasain ng kanyang escort na si Angelo Diaz. Matagal nang sinusubukan ni Diaz na kunin ang matamis na oo ng dalaga. Pero dahil may kagaspangan ang ugali ng binata, hindi iyon maibigay ni Janice.

“Last na ‘to,” pakiusap ni Diaz kay Janice isang hapong sila’y nag-usap, “kapag pumayag kang ako ang maging escort mo sa prom, hinding-hinding-hindi na kita kukulitin. Promise, cross my heart, mamatay man.”

At para hindi na siya kulitin pa ni Diaz, napilitang pumayag si Janice.

Bago pa man ang prom, sinabihan ni Diaz ang isang kabarkada na mag-apply bilang food server sa catering service na aarkilahin ng San Miguel National High School. Ang plano, lalagyan ng kung anong pampatulog ang juice na ipaiinom kay Janice ‘pag malalim na ang gabi. Sa oras na umepekto na ang pampatulog, tatanungin ni Diaz si Janice kung anong nararamdaman ng dalaga na parang totoong nag-aalala sa kalagayan nito. Saka niya pasimpleng aakayin palabas sa bulwagan si Janice bago ganap na mawalan ng malay.

At dahil ang lahat ay abala sa pagpapakalunod sa daluyong ng musika sa dance floor noong gabi ng prom, matagumpay na naisagawa ni Diaz ang lahat ng iyon. Pero sa kalagitnaan ng pananamantala, nagising si Janice. Nanlaban. Sumipa, sumuntok, nanampal, sumigaw. Lahat ng pwedeng gawin para makatakas, ginawa niya. Pero sa kasamaang-palad, nabigo si Janice. Isang malaking bato ang nadampot ni Diaz at tatlong ulit na inihampas sa kanyang bumbunan. Napuno ng dugo ang kulay puting mini-gown na suot ng dalaga.

Dahil mula sa mayamang pamilya, hindi naparusahan si Diaz. Ang sabi, mabilis na nakalipad papuntang ibang bansa kasama ang kabarkadang food server.

Nang maging teacher si Pat sa Mahalimuyak, isa siya sa ilang teacher na nangumbinse sa principal na ibalik na ang mga night activity. Huwag daw ipagkait iyon sa mga bata dahil minsan lang naman ang ganoong karanasan. Lalo pa’t maraming babaeng estudyante ang hindi makakaranas ng isang enggrandeng debut. Pwede namang sa pagkakataong ito, mas higpitan na ang seguridad para di na maulit ang nangyaring trahedya noon.

Pero hindi naging madali ang pangungumbinse. Taon ang inabot. Nang minsang magpatawag ng meeting si Sir Pat sa mga magulang para sa pagpapasilip ng students’ report card, isa sa mga tinalakay niya sa mga magulangin ay ang tungkol sa seniors’ night. Tinanong ang mga magulang kung willing daw ba silang magkaroon ng ganoong ganap. Maraming umoo. Dahil bago pa man ang meeting, kinumbinse na ng mga estudyante ang kani-kanilang magulang. Lahat ng pambobolang pwedeng sabihin, sinabi nila. Hanggang sa aprubahan iyon ng principal.

***

Nagsigawan sa tuwa ang buong klase nang ibalita ni Pao ang ipinapasabi ni ser Pat. Nagtayuan ang iba at iwinasiwas pa ang scarf na dala. Ang ilan naman, ginawang tambol ang armchair at ‘yung teacher’s table. Hindi kasi nakapag-rebyu ang karamihan. 18th birthday ng kaklase nilang si Angie kagabi. Syempre, nagkaroon ng simple pero swabeng salo-salo. Halos buong klase, naroon.

Bagaman nakaligtas sila sa long quiz ni Sir Pat, pero hindi sa mga sumunod na subject ng matatandang guro na di sang-ayon sa naturang event. Simula nang maaprubahan ang seniors’ night, biglang nagpabaha ng mga gawain. Nagagalit ‘pag nagpapa-excuse ang mga estudyante para makapag-practice sana ng chacha, tango, jazz, at rumba. Allergic yata sa ganoong uri ng kasiyahan. Ayaw makakita ng magkakapares na estudyanteng sumasayaw sa gitna ng bulwagan sa saliw ng mga romantikong kanta. Na kesyo ang mga ganoong pasinaya raw ang ugat ng kaguluhan at kapahamakan. Palibahasa, mga matatandang dalaga. Hindi ‘ata naranasang maisayaw noong kapanahunan nila.

Nagsisimula na ang quiz nang biglang sumagi sa isip ni Pao ang ballpen na hiniram ni Sir Pat sa kanya. Wala nang oras kung kukunin pa iyon sa backpack ni Sir Pat. Sa second floor pa ang faculty room. Kinalabit ni Pao si Angie para ibulong ang kanyang pakay. Nakahinga siya nang maluwag nang iabot sa kanya ng dalaga ang extra nitong ballpen.

***

“Pao,” biglang tawag ni Ma’am Belen — ang kanilang dance instructor. Katatapos lang ng practice. Ginagayak na ni Pao ang kanyang mga gamit. Inabot na sila ng ala-sais na ng gabi dahil hindi marunong sumunod sa takdang oras ng pagpapauwi ang guro sa kanilang last subject kanina. “Pumunta ka muna sa office ng SSG. Pakitulungan si Kris mag-letter cut para matapos na ‘yon.”

“Sige, ma’am.”

“Dumaan kayo sa faculty pagkatapos n’yo, ha,” pahabol na bilin ni Ma’am.

Nakakatunaw-bilbil ang pagpunta sa opisina ng SSGO dahil nasa ikatlong palapag pa ng paaralan. Humihingal na tumingin si Pao kay Kris na mag-isa at matiyagang ginugupit ang mga colored paper. Grade 10 pa lang siya kaya hindi kasama sa practice kanina.

“Kanina ka pa?”

Tumango si Kris bilang tugon. Agad na kinuha ni Pao sa table ang gunting para tumulong.

“Di ka ba natatakot, kuya?” biglang tanong ni Kris nang pareho na silang nabibingi sa ingit ng mga papel na ginugupit.

“Saan?”

“Kasi, di ba, tuwing nagta-try mag-celebrate ng prom o seniors’ night ang mga school dito sa bayan natin, laging me nangyayaring kakaiba. Sa San Isidro National High School, nagkaroon ng sunog sa mismong gabi ng event dahil sa sound system na nagkaproblema. Sa San Rafael naman, one day before the event, kataka-takang nasira lahat ng monobloc sa storage room. Baka talagang totoo ang sabi-sabi. Na lumilibot si Janice sa mga paaralan para hanapin si Diaz; para pigilan ang kasiyahan na naging dahilan ng kanyang masaklap na kamatayan.”

“Anong klaseng kapraningan yan, Kris?” natatawang sabi ni Pao. “Alam mo, lahat ng insidenteng ‘yan, nagkataon lang. Walang kinalaman dyan si Janice. Kayo talaga. Patay na ‘yung tao, pinag-iisipan n’yo pa ng masama.”

Tumahimik na si Kris. Di na nagsalita pa. Pareho na silang bumalik sa kani-kanilang ginagawa. Hanggang sa bigla na lang nagpatay-sindi ang ilaw sa opisina ng SSGO at sa koridor. Sinundan iyon ng malakas na pagsabog ng ingay mula sa sumarang pinto. Napapitlag silang pareho. Pero agad ding nakabawi si Pao. Hindi kagaya ni Kris na muntik nang lumuwa ang dalawang mata sa sobrang gulat. Nang matauhan ang loko, biglang napamura nang malakas sabay sign of the cross. Si Pao naman, humagalpak ng tawa. Para kahit papaano, mabawasan ang umahong takot sa dibdib nila.

“Sayang, di ko napiktyuran ‘yung mukha mo. May bago sanang naisilang na meme sa social media,” biro niya pa.

Nang malapit na silang matapos sa kanilang ginagawa, dumukot sa bulsa si Kris. Kinuha ang cellphone niya. Sabay paalam na mauuna na raw siya. “Sorry, kuya. Nag-text girlfriend ko, e. Nagpapasundo.”

“Ows. Napanlaw ka lang e.”

“Di, kuya. Seryoso. Ito o, kausapin mo.

“Sige sige. Payag na. Ako na’ng magliligpit. Tutal, kanina ka pa naman dito gumagawa.”

Kasing-bilis ng kidlat na iginayak ni Kris ang kanyang mga nakasalampak na gamit. Muntik pang mapasubsob pagkalabas ng opisina sa kakamadali.

Pagkatapos dakutin at itapon sa basurahan ang mga kalat sa sahig, sumilip si Pao sa bintana ng opisina. Umaambon. Wala nang dumadaan sa makipot na kalsada na pinagigitnaan ng school at mga kabahayan. Nagpasya na siyang bumaba sa second floor bitbit ang paper bag na naglalaman ng mga letrang ginupit at iba pang pandekorasyon na naunang gawin ni Kris. Dadaan muna siya sa faculty room para magpaalam kay Ma’am Belen. At para itanong na rin kung saan ilalagay ang mga ginawa nila. Pero pagpasok sa faculty room, hindi niya nadatnan si Ma’am. Si Sir Pat lang ang naroon. Nakaupo habang nakatitig sa kanyang table. Wala sa ayos ang basang buhok nito. May ilang batik din ng putik sa puting damit. Aksidenteng napatingin si Pao sa wall clock. 7:13 na ng gabi.

“Sir, nandyan na pala kayo,” bungad ni Pao. “Nakabili ka po ng maskara?”

“Pakibigay nga nito kay Ma’am Bel bukas,” sabi ni Sir Pat sabay turo sa kulay maroon na jewelry box na nakapatong sa kanyang table. Hindi pa rin niya inaalis ang tingin doon.

Mabilis na sumunod si Pao. Kinuha niya sa mesa ang tinukoy na gamit ni Sir Pat. “Kunin ko na rin po ‘to, sir,” sabi niya nang maispatan ang kanyang ballpen na hindi niya nakuha kanina.

Matipid lang na tumango si Sir Pat. Hindi na itinanong pa ni Pao kung nasaan si Ma’am Belen. Siguro’y nakauwi na.

Bago lumabas sa faculty room, iniwan ni Pao sa mesa ni Ma’am Belen ang mga ipinagawa nito sa kanila ni Kris. Bumaba na siya sa ikalawang palapag ng gusali. Wala nang katao-tao sa ground floor. Pati gwardiya at janitor na madalas tumatambay sa main gate, wala. Pagkatapos suyurin ng tingin ang buong paligid, sumugod na siya sa maliliit na patak ng ulan para dumiretso sa terminal ng mga tricycle na bumibyahe papunta sa kanyang barangay.

***

Kinabukasan, bago makarating si Pao sa bukana ng school, nakasalubong niya agad si Ma’am Belen. Gusto niya sanang ngumiti pero mugto ang mata nito.

“Ma’am, pinabibigay po ni Sir Pat sa ‘yo.”

Natigilan si Ma’am Belen. Nasimula muling magtubig ang kanyang mata. Sa mukha niya’y bakas ang pagtataka. O pagkalito? Ilang segundo muna ang lumipas bago niya dahan-dahang kinuha ang jewelry gift box. Pagkabukas niya sa kahon, dumungaw ang isang gintong singsing na may kulay pilak na diyamante sa gitna. Ang pagsinghap at paghikbi niya’y nasundan ng sunod-sunod na pagkalaglag ng kanyang mga luha. At saka siya tumakbo palayo.

Nagtataka man ay itinuloy ni Pao ang paglalakad papuntang school. Baka sakaling naroon ang mga sagot sa kanyang mga tanong. Nakasalubong niya sa gate si Kris.

“W-wala na si…si Sir Pat, kuya.”

“A-ano? Kailan pa?”

“K-kagabi lang ng 7:13. Naaksidente sa pakurbadang daan sa tapat ng OLLA. Me iniwasan daw na babaeng nakasuot ng puting mini-gown.”

--

--

Ralph Vincent Mendoza
Ralph Vincent Mendoza

No responses yet